MANILA, Philippines - Inalerto na kahapon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang mga lokal na opisyal sa lalawigan ng Albay kaugnay ng posibleng pagpapalikas sa mga residenteng nakatira sa palibot ng 6 kilometer Permanent Danger Zone (PDZ ) ng Mayon Volcano.
Ito’y makaraang itaas ng Phivolcs sa alert level 2 ang status ng bulkan matapos makitaan ang bunganga nito ng abnormalidad.
Sa report ni Region V PDRRMC Director Raffy Alejandrino, mas delikado ang sitwasyon dahil anumang oras ay maaring bumuhos ang pyroclastic materials mula sa bunganga ng Mayon.
Sa ilalim ng alert level 2, nagpapatuloy ang pag-aalburoto ng bulkan na ‘magmatic ang origin’ na posibleng magbunsod sa malakas na pagsabog.
Sa website ng Phivolcs, nakapagtala ang Mayon ng isang volcanic earthquake at isang rock fall event sa nakalipas na 24 oras.
Katamtaman naman ang paglalabas ng puting usok mula sa bunganga ng naturang bulkan.
Bagamat walang crater glow na naobserbahan, may namataan namang paglitaw ng namumuong lava dome sa crater nito.
Mula 500 toneladang asupre na nailuluwa ng bulkan kada araw sa loob ng dalawang buwan, umaabot na sa 850 tonelada ng asupre ang nailabas nito sa nakalipas na 24 oras.
Ang naturang mga pagbabago umano sa Mayon ay nagpapakita lamang ng pagtaas ng volcanic gas emission at inaasahang pagkakaroon nito ng magma.
Nakikipag-ugnayan na si Albay Public Safety Management Office (APSMO) Chief Dr. Cedric Daeprin sa mga lokal at barangay officials sa mga lugar na posibleng maapektuhan sa pag-aalburoto ng pamosong bulkan.
Sa kasalukuyan, naka-standby na ang mga evacuation centers sa mga bayang nakapalibot sa Mayon.
Nananatili namang 24/7 ang monitoring ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang mabantayan ang mga pagbabago sa aktibidad ng bulkan.
Nananatili naman sa alert level 2 ang naturang bulkan at patuloy na pinagbabawalan ang sinuman na makapasok sa loob ng 6-km permanent danger zone para makaiwas sa anumang epektong dadalhin nito sa mga residente roon.