MANILA, Philippines - Para mapatunayan na talagang gusto ng tao na mabigyan pa ng ikalawang termino si Pangulong Aquino, iminungkahi ng isang kongresista na idaan sa balota sa pamamagitan ng referendum ang nasabing usapin.
Sinabi ni Iloilo Rep. Jerry Trenas na dapat manaig ang boses ng tao at malalaman lamang ito sa pamamagitan ng balota dahil maituturing na isang trahedya kung hindi mabibigyan ng pagkakataon ang Pangulo upang masiguro ang mandato nito, reporma at accomplishment sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Malalaman din sa pamamagitan ng balota kung tama ang sinasabi ng mga kritiko ng Pangulo na dapat itong bumaba sa pwesto dahil sa nawawala na ang suporta ng mga tao dito.
Paliwanag pa ni Trenas, ang isyu sa termino ng Pangulo ay maaaring ipanukala sa pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng referendum at bilang isang demokratikong bansa ay dapat umanong manaig ang desisyon ng mayorya.