MANILA, Philippines - Nadiskubre ng Kamara na bukod sa Judiciary Development Fund (JDF) ay mayroon pang ibang pondo ang Hudikatura mula sa iba’t ibang koleksyon sa mga korte sa bansa.
Sa pagtatanong ni House Committee on Appropriations Vice-chairman at Ilocos Rep. Rodolfo Fariñas kay Supreme Court (SC) deputy administrator Raul Villanueva, bukod sa JDF ay mayroon pang mediation fund at special allowance for the Judiciary silang nakokolekta na tanging ang Chief Justice lamang ang mayroong kapangyarihang mag-disburse ng nasabing pondo.
Kinastigo rin ng kongresista ang mga miyembro ng Hudikatura dahil sa paggastos ng pondo na walang kaukulang appropriations at pagtatatag ng mga tanggapan na tanging ang Kongreso lamang ang may kapangyarihang gumawa nito.
Kinuwestiyon din ni Fariñas kung bakit kailangan bumili ng mga sasakyan na nagkakahalaga ng P23 milyon na isa umanong pribilehiyo ng mga mahistrado ng Hudikatura dahil maaari nila itong bilihin sa sandaling magretiro na sila sa kanilang pwesto.
Paliwanag ni Villanueva kailangan ng palitan ang mga sasakyang ginagamit nila dahil sa 10 taon na ang tanda ng mga ito.
Dahil dito kaya hiniling ni Fariñas na magbigay ng kopya sa komite ng statement of balances ng pondo ng hudikatura at JDF bago aprubahan ang hinihingi nilang P32.6 bilyon budget sa susunod na taon.