MANILA, Philippines - Umabot sa mahigit 1,000 mine workers sa Sta. Cruz, Zambales ang nagsagawa ng protest caravan upang ipanawagan ang pagbabalik operasyon ng apat na minahan sa kanilang bayan kung saan pagmimina ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente sa nabanggit na bayan.
Bago ang protesta ay ipinag-utos kamakailan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Environmental Management Bureau (EMB) Region III ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng mga minahan sa Central Luzon na kinabibilangan ng Zambales Diversified Metals Corporation, Benguet Corporation Nickel Mines Inc., Eramen Minerals Inc. at LNL Archipelago Minerals Inc. dahilan upang mawalan ng trabaho ang mahigit 3,000 manggagawa.
Sa pahayag ni Orlan Mayor, tagapagsalita ng Coalition of Mine Workers, Families and Communities (CMWFC), kanilang ipinanawagan sa MGB-DENR ang pagbawi sa ipinalabas nitong cease and desist order dahil malaki ang epekto nito sa kanilang mga kabuhayan at kinabukasan dahil maraming pamilya ang magugutom kapag nagtagal pa ang naturang suspensyon.
“Marami sa mga manggagawang nawalan ng trabaho ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan, at tanging minahan lamang ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon na makahanap ng trabaho na walang diskriminasyon sa antas ng pinag-aralan, basta masipag ka at handang matuto ay binibigyan ka ng pagkakataon,” ayon pa kay Mayor.