MANILA, Philippines - Ang Bicol (Region V) ang may pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa buong bansa ngayon. Bunga ng masiglang tourism industry nito, nagtala ang Bicol ng 9.4% na pagsulong nitong nakaraang 2013, ayon sa pinakabagong ulat ng National Statistics Coordinating Board (NSCB).
Pinuna ni Albay Gov. Joey Salceda, Bicol Regional Development Council (RDC) chair, na bumangon na nga ang Bicol mula sa matagal na pagkakalugmok nito sa maraming taon dulot ng hagupit ng malakas at mapinsalang mga bagyo.
Sa kalalabas na NSCB report, ang 9.4% na paglago ng Bicol economy nitong 2013 ay pinakamataas sa lahat na 17 rehiyon ng bansa, higit na mataas sa 9.1% na itinala ng Metro Manila o National Capital Region (NCR).
Turismo, ayon kay Salceda ang pangunahing nagtutulak sa mabilis na pagsulong ng Bicol economy. Pinangungunahan ito ng Albay na nagtala ng nakakalulang 66% paglago. Binalikat din ng Albay ang paglago ng turismo ng Almasor (Albay - Masbate-Sorsogon) Tourism Alliance na itinatag ni Salceda at nagtala ng 42% noong 2013.
Sa pangkalahatan, ipinaliwanag ni Salceda na ang pagsulong ng Bicol economy ay bunga ng malaking produksiyon ng kuryente mula sa Tiwi at Bacman geothermal plants, mataas na investment sa mga imprastraktura, pinasiglang retail trade na nasuportahan pa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Bilang reaksyon sa NSCB report, sinabi ni Salceda na maituturing ngang “phenomenal” ang paglago ng Bicol na dati ay laging pangalawa o pangatlong pinakamahirap na rehiyon ng bansa dahil halos taun-taon itong sinasalanta ng malalakas na bagyo.