MANILA, Philippines - Ligtas sa nakamamatay na Ebola virus ang 30 tauhan ng PNP na nagsisilbing United Nations (UN) peacekeepers sa Liberia.Ito ang tiniyak kahapon ni PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, base sa impormasyon na ipinarating ng PNP Contingent Commander sa Liberia.
Inatasan na rin ang contingent commander ng United Nations Mission in Liberia (UNMIL) na si P/Supt. Gerardo Avengoza na arawang magbigay ng update hinggil sa health status ng mga Pinoy police.
Sabi ni Sindac wala namang gagawing emergency pull out sa mga PNP peacekeepers sa nasabing bansa.
Pinayuhan na rin ang mga PNP contingents na magsagawa ng pag-iingat tulad ng pag-iwas sa mga taong nagtataglay ng Ebola virus, huwag magtungo sa mga komunidad na apektado ng karamdaman, paghuhugas ng kamay at iba pang precautionary measures.
Umaabot na sa mahigit 1,000 ang death toll sa mga bansa sa West Africa na apektado ng Ebola tulad ng Liberia, Sierra Leone at Guinea.