Gen. Palparan tiklo! 3 taon nagtago
MANILA, Philippines - Matapos ang halos tatlong taong pagtatago sa batas, naaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng Naval Intelligence Security Force (NISF) at National Bureau of Investigation(NBI) ang isa sa itinuturing na ‘high-profile fugitives’ ng gobyerno na si ret. Major Gen. Jovito Palparan sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Major Gen. Eduardo Año, alas-3:30 ng madaling araw ng maispatan si Palparan, 64, ng kanilang mga operatiba na nagwi-withdraw sa ATM machine sa Old Sta. Mesa, Manila.
Dito na nila sinundan si Palparan na nasakote sa isang lumang bahay sa panulukan ng Teresa St., na hindi nanlaban matapos makorner ng arresting team kasama ang dalawang iba pa. Wala itong dalang armas at kusang loob na sumama sa NBI.
Bagama’t pumayat, nagpahaba ng buhok, bigote at balbas positibo pa ring nakilala ng mga awtoridad si Palparan na ilang buwan ding sinubaybayan ng intelligence operatives. Nakasuot ng T-shirt na puti at short na itim si Palparan nang mahuli. Kinunan na rin ito ng mugshots at finger prints. Nag-ahit at pinagpalit na rin ng damit si Palparan.
Si Palparan ay may patong sa ulong P2 M na mismong si Pangulong Aquino pa ang nagtaas at ayon sa opisyal ay makukuha ito ng masuwerteng tipster ng NISF.
Inaresto si Palparan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malolos Regional Trial Court kaugnay ng kasong kidnapping and serious illegal detention sa dalawang UP students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006.
Dahil dito, nakilala si Palparan bilang “berdugo” ng mga aktibista.
Sinabi ni Año na si Palparan ay nagpalipat-lipat ng lugar sa pagtatago sa Zambales, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Cagayan de Oro, Antique at may 3 buwan ng nagtatago sa Sta. Mesa bago nasakote.
Aminado naman si Año na naging mahirap ang pag-aresto kay Palparan dahil isa itong dating militar at intelligence officer na kayang tiisin na hindi magpasikat sa araw at tumawag sa kaniyang pamilya habang nagpapalipat-lipat ng taguan.
Ayon kay Año, nagpasalamat at binati pa ang kaniyang mga operatiba ni Palparan matapos na umano’y maisahan siya ng arresting team.
Nagsimulang magtago ang heneral noong 2011 matapos magpalabas ng warrant of arrest ang korte laban dito.
Nangangamba sa kaligtasan
Ayon kay Palparan, hindi siya humihingi ng special treatment at hindi siya namimili ng pagkukulungan basta masiguro lamang ng pamahalaan ang kanyang seguridad.
Una nang sinabi ni Palparan na kampante siya sa NBI. Ayaw lamang niyang mamatay sa kamay ng kanyang kalaban partikular ang mga rebeldeng komunista o New People’s Army (NPA).
Hindi rin daw niya kailangan ang hospital arrest dahil wala naman siyang malubhang karamdaman bagama’t hirap siyang kumilos dahil sa iniindang joint pains sa balikat at pige at underweight na kaya humingi siya ng medical check-up sa awtoridad.
Inamin din nito na kabilang sa kanyang pagkunwari ang pagpapahaba ng buhok at balbas.
Isang Grace Roa, kaibigan ng pamilya ni Palparan ang may-ari ng bahay sa Sta. Mesa na pinagtaguan ng retiradong heneral ang mahaharap sa kasong obstruction of justice sa pagtulong sa high profile fugitive.
Sabi naman ni Justice Sec. Leila de Lima na walang indikasyon na lumabas ng bansa si Palparan at nanatili lamang ito sa Pilipinas habang nagtatago.
Wika ni AFP Chief Gen. Gregorio Pio Catapang na mas mabuti ng nasakote si Palparan ng mga awtoridad dahil may death threat ito mula sa NPA.
Mananatili muna si Palparan sa NBI hangga’t walang commitment order mula sa korte ng Malolos City, Bulacan.
- Latest