Palparan sa militar: 'Galing n'yo, naisahan n'yo ko'
MANILA, Philippines – Aminado ang militar na nahirapan silang hulihin si retired major general Jovito Palparan.
Sinabi ni Major General Eduardo Año, chief of the Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), na ilang beses silang pumalya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa paghuli kay Palparan na halos tatlong taon nagtago.
Dagdag niya na hindi basta-basta ang diskarte ni Palparan kaya lalo silang nahirapan.
Kaugnay na balita: Palparan natatakot na ipatumba sa kulungan
"'Yun yung mga ibang weaknesses na pwedeng ma-exploit, nate-trace," wika ni Año ngayong Martes. "But General Palparan is not like that. He can hide inside the house for days even without getting sunshine. Ganoon siya katiyaga. He can be very patient not to contact, communicate [with] his family."
Nadakip ang retiradong opisyal kaninag madaling araw sa isang bahay sa Sta. Mesa, Manila.
Sinabi ni Año na nakatanggap sila ng impormasyon na tatlong buwan nang naroon sa Sta. Mesa si Palparan.
Kaugnay na balita: Jovito Palparan arestado!
Aniya namataan din dati ang dating opisyal sa Bataan, Pampanga, Nueva Ecija at Cagayan De Oro City, pero sa oras na susugurin na nila ay nakakatakas siya.
"He's very aware of the surroundings. Kapag meron siyang nakitang changes or suspicious, suddenly lumilipat na siya ng tirahan," banggit ni Año.
Ikinuwento pa ni Año na nagbiro pa si Palparan sa mga nakahuli sa kanya at sinabing naisahan siya ng mga ito.
"In fact, he was joking with our operatives and he was saying 'Ang gagaling n'yo, naisahan n'yo kasi naging very lax ako.'"
Sinabi ni Palparan sa isang panayam sa telebisyon na nagpapalipat-lipat siya ng lugar sa Metro Manila upang hindi madakip.
Pinabulaanan din niya na nagtago siya sa Camp Aguinaldo ng Armed Forces of the Philippines sa Quezon City.
Nahaharap sa kasong two counts ng kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala ng mga University of the Philippines students Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.
Mula Disyembre 2011 ay nagtago na si Palparan na may P2 milyong patong sa ulo.
- Latest