MANILA, Philippines - Lalong pinalawig ang kampanya ng pamahalaang lungsod Quezon laban sa mga riding in tandem na kriminal kung saan isa na namang panukalang ordinansa ang iminungkahi upang tuluyang ipagbawal ang magkaangkas sa motorsiklo sa lungsod.
Ito’y matapos ipanukala ni Quezon City 2nd. District Councilor Ramon “Toto” Medalla ang tuluyang pagbabawal sa magkaangkas o tandem sa motorsiklo upang umano’y masawata ang lumalalang kriminalidad sa lungsod na ang may kagagawan ay ang riding-in-tandem.
Sinabi ni Medalla na mahirap masolusyunan ang problema ng riding-in-tandem na ginagamit sa kriminalidad dahil sa mabilis itong nakakatakas sa sandaling isagawa ang krimen.
Idinagdag pa nito na maaaring mabawasan kundi man tuluyang masolusyunan ang matagal nang ganitong problema ng kriminalidad.
Sakaling maaprubahan, malamang na i-veto na lamang ang naunang ordinansa na pagsusuot ng vest na may plaka sa mga tandem na mariing tinutulan ng mga motorcycle groups at ang tuluyang ipatutupad ay ang pagbabawal na sa tandem sa lungsod.