MANILA, Philippines - Kauna-unahan si Agriculture Secretary Proceso J. Alcala sa mga sumuporta sa reconstruction ng Albay sa ilalim ng Plan for Albay Glenda Early Recovery and Reconstruction (PAGERR).
Dumalaw dito si Alcala at inihatid ang tulong ng DA na nagkakahalaga ng P6 million kabilang ang mahigit 1,000 sako ng certified rice seeds, limang (5) hand tractor, 9,000 pakete ng iba’t ibang binhing buto ng gulay, 9,000 pili seedlings, 185 sako ng hybrid corn seeds, 15 bag ng ‘open-pollenated variety corn seeds, 54 set ng mga garden tools at 1,000 laminated sacks. Ang Albay ang pinaka-grabeng nabugbog at sinalanta ni Glenda.
Zero casualty o walang nabuwis na buhay sa Albay, subalit mahigit P9.1-bilyon pinsala ang iniwan lalo na sa agrikultura.
Pinuri ni Alcala ang Albay at PAGERR sa mabilis nitong pagkilos. Pinansin din niya na sa kabila ng malimit na pananalasa ng mga kalamidad sa lalawigan, masigla at tuloy-tuloy pa ring lumalago ang agrikultura nito.
Itinatag ni Albay Gov. Joey Salceda ang PAGERR matapos ideklara ang ‘state of calamity’ sa Albay.
Ayon kay Salceda, ang mabisang ugnayan ng Albay, DA at DENR ay naging daan upang sumulong ang produksiyon ng bigas at pagkain, at pagpapanumbalik sa forest cover ng lalawigan.
Sa pamamagitan ng PAGERR, natutulungan ang mga guro, empleyado na kasapi ng Pag-IBIG, GSIS, SSS at pati na mga pensiyunado sa Albay na nabibigyan ng mga pautang para sa pagpapaayos ng mga bahay.