MANILA, Philippines - Aabot sa P10,000 financial assistance ang ibibigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga Pinoy workers na sapilitang pinauwi mula sa bansang Libya.
Ayon kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz, ito ay matapos aprubahan ng board of trustees ng OWWA ang P10,000 tulong bilang bahagi ng Financial Relief Assistance Program ng ahensya.
Gayunman, nilinaw ni Baldoz na ang mga makakatanggap lamang ng ayuda ay yung mga qualified repatriates batay na rin sa gagawin nilang pag-aaral sa kalagayan ng mga napauwing mga OFW.
Bagama’t hindi sapat, sinabi ni Baldoz na malaki ang maitutulong nito sa pagsisimula at paunang solusyon mula ng dumating sa bansa.