MANILA, Philippines - Nananatili ang lakas ng bagyong Jose habang ito ay papalabas ng Philippine area of responsibility (PAR). Alas-11:00 ng umaga kahapon, naitala ng PAGASA ang sentro ng bagyong Jose sa layong 830 kilometro sa silangan-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 150 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 185 kilometro bawat oras. Si Jose ay patuloy ang pagkilos pahilagang direksiyon sa bilis na 15 kilometro bawat oras. Ngayong Huwebes, inaasahang si Jose ay nasa layong 960 kilometro hilagang silangan ng Basco, Batanes o nasa layong 280 kilometro silangan ng Okinawa, Japan. Bagaman palabas na ng ating bansa si Jose, patuloy itong magdudulot ng mga pag uulan sa Luzon laluna sa Metro Manila dahil pinaiigting nito ang hanging habagat.