MANILA, Philippines - Ilang lider ng House of Representatives ang nagpahiwatig kahapon ng posibilidad na maharap sa impeachment si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno dahil sa umano’y maling paggamit sa Judiciary Development Fund (JDF) na iniimbestigahan ng committee on justice ng mababang kapulungan.
Sinabi ni committee vice chairman at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na sa unang pagdinig sa JDF ay lumilitaw na ang pondo ay ginamit sa bagay na iba sa pinaglalaanan ng batas. Ang JDF ay nagmula sa mga court fees at iba pang pinagkakakitaan ng hudikatura. Sinabi nina Umali at Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe na maaaring i-subpoena si Sereno bilang tanging administrador ng JDF at hindi bilang puno ng isang hiwalay, independiyente at co-equal branch ng pamahalaan.
“Mukhang may mali sa paggamit ng JDF at kung makukumpirma ito sa susunod na mga pagdinig, lalabas na isa itong technical malversation na isang graft and corruption at basehan para sa impeachment,” sabi pa ni Umali.