Utos ng 1st Division ng Sandiganbayan: Sen. Revilla suspendido ng 90-araw

MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Sandiganbayan 1st Division ng 90 araw si Senador Bong Revilla kaugnay ng kasong plunder at graft  na may kinalaman sa pork barrel scam gayundin ang kanyang legislative officer  na si Atty. Richard Cambe na kapwa akusado ng mambabatas.

“Accused Revilla and Cambe are hereby suspended from their respective positions as Senator and Director III of the Office of Senator Revilla, and from any other public positions they may now or hereafter be holding, effective for 90 days from notice,” nakasaad sa resolusyon ng graft court.

Ang suspension sa mga nabanggit ay bi­lang tugon ng Sandiganbayan sa request ng prosekusyon na suspendihin muna ito sa tungkulin habang dinidinig ng graft court ang kanilang kaso upang  hindi magamit ang posisyon para maka-impluwensiya ng mga saksi sa naturang mga kaso.

Sa ilalim umano ng Republic Act 7080 o ang  Plunder Law, ang mga nasasangkot ditong mga opisyal ng gobyerno ay dapat na suspendihin sa puwesto habang binubusisi ng korte ang kanyang kaso.

Kaugnay nito, kinondena ng kampo ni Cambe ang hakbang ng graft court dahil wala itong naisagawang pre-suspension hearing bago naisagawa ang pagsuspinde sa kanilang posisyon.

Hindi rin anya siya nabigyan ng due process dahil hindi siya napayagan na maisailalim sa preliminary investigation kaugnay ng kaso.

Niliwanag naman ng Sandiganbayan na ito ay may kapangyarihan na suspendihin ang sinumang nahaharap sa kasong criminal na nakasalang sa kanilang sala.

Sa ngayon ay pawang suspendido na sa kani- kanilang posisyon sina Revilla, Senador Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile kaugnay ng pork barrel scam.

 

 

Show comments