Rice traders nagpasaklolo kay PNoy

MANILA, Philippines - Nanawagan kay Pa­ngulong Aquino ang mahigit 3,000 maliliit na rice traders na solusyunan sa lalong madaling-panahon ang halos isang buwan na nilang pagdurusa sa pagkapilay ng kanilang negosyo.

Idinaing ng mga rice trader na hindi na sila ma­kahango ng bigas mula sa Purefeeds sa Malolos, Bulacan mula nang ipasara ito ng pamahalaan noong nakaraang buwan dahil sa akusasyong may halong animal feeds ang mga bigas nito.

Sinabi pa nila na nagkaroon ito ng matinding epekto sa kanilang hanay at sa libu-libong mamamayan lalo na ang mga maralitang residente na umaasa na makakabili ng murang bigas sa nasabing kompanya.

Labis na ipinagtataka rin nila kung bakit hindi pa pinapayagang magbukas ang bodega ng Purefeeds gayong nilinaw noong Hul­yo 7, 2014 ni National Food Authority (NFA) Director Rex Estoperez na malinis at walang halong “animal feeds” o pagkain ng hayop ang bigas na nakaimbak sa naturang warehouse.

Ilang ulit ding pinabulaanan ni Jomirito Soliman, may-ari ng Purefeeds, na ang impormasyong nakarating sa tanggapan ng DILG at ang kumakalat na ulat na may halong pagkain ng hayop ang bigas na nanggagaling sa kanilang imbakan.

Ayon kay Soliman, ang Purefeeds ay kabahagi rin ng mga kawang-gawa sa pamamagitan ng pagbigay ng saku-sakong libreng bigas sa mahihirap lalo na sa naging biktima ng Yolanda.

 

Show comments