MANILA, Philippines - Matapos mapatunayang may probable cause, pinakakasuhan na ng tanggapan ng Ombudsman ng kasong graft si dating Pampanga governor at ngayo’y Sen. Manuel “Lito” Lapid kaugnay ng fertilizer fund scam.
Kasama ni Lapid na pinakakasuhan sina Pampanga Provincial Accountant Benjamin Yuzon at Pampanga Provincial Treasurer Vergel Yabut.
Kasama sa mga incorporators sa kaso ang Malayan Pacific Trading Corp. (MPTC) sa pangunguna ni Ma.Victoria Aquino-Abubakar at Leolita Aquino, isang Dexter Alexander Vasquez, proprietor ng D.A. Vazquez Macro-Micro Fertilizer Resources.
Sa record, March 18, 2004, ay nag-adopt ang Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga ng isang resolusyon na nag-ootorisa kay Lapid na pumasok sa isang kasunduan sa Department of Agriculture Regional Field Unit III (DA RFU III) para sa implementasyon ng Farm Input/Implement Fund/Program (FIFI) para sa DA’s Ginintuang Masaganang Ani (GMA) Program.
Noong Marso 29, 2004, na noo’y si DA Usec. Jocelyn “Joc-Joc” Bolante ay nagpalabas ng isang memorandum na humihiling ng pag-apruba ng Sub-Allotment Advise (SAA) na P5,000,000 na nakapaloob sa Sub-Allotment Release Order (SARO).
Marso 30, 2004 at Abril 29, 2004, nagpalabas ang DA ng Notices of Transfer Allotment (NTA) na nag-ootorisa sa Landbank of the Philippines na mailipat ang P5,000,000 sa DA RFU III.
Tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Pampanga ang price quotation mula sa D.A. Vazquez Macro-Micro Fertilizer Resources na nag-offer ng Macro-Micro Foliar Fertilizer sa halagang P1,250.00 per liter/bottle kasama na sa halaga ang pagsasanay at technical assistance.
Nagpalabas si Lapid ng isang Purchase Request para sa pagbili ng 3,880 bottles ng fertilizer sa halagang P1,250.00 per liter/bottle.
Sa pagbusisi ng Special Panel for the Fertilizer Fund Scam nakita nilang may mga paglabag sa mga procurement rules na ginawa ni Lapid, Yuzon at Yabut nang pumasok sa kasunduan dahil nagbayad ang pamahalaan ng P4,761,818.18 nang walang kaseguruhan na magbebenepisyo rito ang gobyerno.