MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaposas na si Janet Napoles nang dumalo sa Sandiganbayan 3rd division kahapon para dinggin ang kanyang hirit na makapagpiyansa kaugnay ng plunder case na may kinalaman sa pork barrel scam.
Sinasabing kapag mga elemento na ng Bureau of Jail Management Penology (BJMP) ang nangangalaga sa kanilang preso ay standard operating procedure (SOP) na lagyan nila ng posas ang inmate sa tuwing dadalhin sa korte at ibabalik sa kanilang selda.
Gayunman, hindi naman nagtagal si Napoles sa graft court at agad umalis dahil may sakit.
Wala nang tumanggi sa paglisan ni Napoles maging ng panig ng prosekusyon nang makapagtala ito ng lagnat na umaabot sa 37.73 degrees celcius habang ang kanyang blood pressure ay umabot sa 140/80.
Si Napoles ay nananatiling nasa isolation room ng Camp Bagong Diwa sa Taguig makaraang ipalipat ito ng Sandiganbayan mula sa Fort Sto. Domingo, Laguna.