MANILA, Philippines - Tumanggap umano ng 50 percent kickback mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund o (PDAF) si Sen. Bong Revilla na inilaan sa mga pekeng NGO ni Janet Napoles.
Ito ang ibinunyag ng whistleblower na si Benhur Luy sa pagdalo kahapon sa Sandiganbayan 1st division para sa bail hearing ni Revilla sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
Ipinakita ni Luy ang dalang hard disk na mula anya 2006 hanggang 2010, umabot sa P180 milyon ang inilagak na pondo ni Revilla sa iba’t ibang NGOs ni Napoles gamit ang kanyang PDAF kung saan kalahati ng naturang pondo o ang umaabot sa P90 milyon ay ibinulsa umano ng senador.
Ang mga pinondohan anya ng pork barrel fund ni Revilla na ginamitan ng pekeng NGO ni Napoles ay naidaan sa pamamagitan ng mga proyekto sa ilalim ng Technology Resource Center (TRC) at National Agribusiness Corp. (Nabcor).
Sinabi rin ni Luy na ang kapwa akusado ni Revilla sa kasong plunder na si Atty. Richard Cambe ay nakakuha dito ng 5 percent rebate, si Napoles ay 32% habang ang head ng naturang mga ahensiya ay 10% tulad nina TRC heads Dennis Cunanan at Antonio Ortiz gayundin si Allan Javellana ng Nabcor.
Binanggit din ni Luy na si Revilla ay nakakuha pa ng 50% komisyon habang si Cambe ay 5% kickback sa mga proyektong naidaan naman sa National Livelihood Development Center (NLDC).
Ang hard disk ay kanya umanong ginamit noong empleyado pa siya ni Napoles bilang record keeper. Naglalaman ito ng dokumento ng lahat ng financial transactions at business ledgers ni Napoles sa mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno mula 2000-2012.
Isinagawa ang pagdinig upang malaman ng graft court kung nararapat na payagan si Revilla na makapagpiyansa.
Bagamat ang kasong plunder ay isang non-bailable offense, umaasa pa rin ang kampo ni Revilla na mapapagbigyan ng graft court ang kahilingan nito.