MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Huwebes na may Pilipinang nars ang dinukot at ginahasa sa Tripoli sa kasagsagan ng civil war.
Dinukot ang hindi pinangalanang Pinay sa harap ng kanyang bahay ng apat na kalalakihan kahapon at pinalaya rin ilang oras matapos abusuhin.
Muling nanawagan si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa mga Pilipinong nasa Libya na lumikas na upang makaiwas sa kaguluhan.
Dagdag niya na magpapadala ng barko ang ahensya na kayang magsakay ng 1,000 katao upang mapadali ang paglikas.
Dalawang linggo na ang itinatagal ng kaguluhan, kung saan 100 katao na ang nasawi, habang 400 ang sugatan.
Nitong buwan din lamang ay isang Pinoy construction worker ang dinukot at pinugutan ng ulo sa Benghazi.