MANILA, Philippines - Naalarma ang may 66,000 pensiyonado ng Philippine National Police (PNP) sa naging pahayag ni PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, na hindi makakatanggap ng kanilang mga pensiyon ngayong Agosto ang mga retiradong miyembro ng PNP.
Ayon kay ret. P/Col. Felicisimo Lazaro, presidente ng Manila’s Finest Retirees Association Inc. kukuwestiyunin nila sa korte ang ipinalabas na Garnishment Order laban sa P3.9 bilyon PNP fund na ipinalabas ng Manila Regional Trial Court Branch 32 sa sandaling hindi nila bigyan ng pensiyon ang mga retirado sa Agosto.
“Maawa naman po sila sa matatandang pulis na isang hakbang na lang sa hukay,” ayon kay Lazaro.
Bukod dito, may nakalaan na umanong pondo na P22.9 bilyon ang gobyerno para sa PNP retirees fund kaya hindi nila maaring hindi ibigay ang pensiyon ng mga retiradong pulis.
Iginiit ni Lazaro na ang nabanggit na pensiyon na lamang ang kanilang inaasahan sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan matapos na sila ay magretiro.
Kaugnay nito, nalaman na may P3.9 bilyon pa na umano’y back-end pension na hindi naibigay mula pa noong 1991 hanggang 2006 sa mga retiradong INP-PNP personnel ang hinihintay na ibigay.