MANILA, Philippines - Matapos ang 19 araw na pagkakabihag pinalaya na kahapon ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang apat na pulis na ginawa nilang Prisoners of War (POWs) matapos salakayin ang Alegria Municipal Police Station sa Surigao del Norte.
Kinumpirma kahapon ni Army’s 4th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Ricardo Visaya na pinakawalan na sina PO3 Vic Concon, PO1 Rey Morales, PO1 Joen Zabala at PO1 Edito Roquino.
Bandang alas-4:10 nitong Martes ng hapon ng pakawalan ang mga bihag sa Brgy. Hinimbangan, Kitcharao, Agusan del Norte.
Ang nasabing mga pulis ay itinurnover at sinalubong naman nina DILG Sec. Mar Roxas at Undersecretary Hernani Braganza sa Agusan del Norte.
Sinabi ni Visaya na kasunod ng idineklarang 5 araw na SOMO (Suspension of Military Operations) o ceasefire sa mga bayan ng Placer, Bacuag, Tubod, Gigakit, Claver at Alegria pawang sa Surigao del Norte at mga bayan naman ng Kitcharao, Jabonga at Santiago sa Agusan del Norte ay pinakawalan ang mga bihag.
Ang ceasefire ay inumpisahang ipatupad alas-12 ng tanghali noong Hulyo 27 at magtatapos sa Agosto 1, 2014 ng alas-12 rin ng tanghali.
Magugunita na sinalakay ng nasa 60 rebelde ang Alegria MPS noong Hulyo 10 kung saan dalawang pulis ang nasugatan, tatlong NPA ang napatay, dalawa rito ay narekober ang mga bangkay habang nakatangay rin ng mga armas ang mga rebelde.