Paggastos sa pera ng bayan, pinababantayan ni SB

MANILA, Philippines - Gagamitin na ng Kamara ang kanilang ‘kapangyarihan’ para bantayan ang paggastos ng bawat ahensiya ng pamahalaan sa pera ng bayan.

Sa talumpati ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa pagbubukas ng second regular session ng Kamara na dinaluhan ng 261 na mga kongresista, ipinag utos nito sa rules committee na bantayan sa paggamit ng pera ng bayan.

Hinimok din ni Belmonte sa ibat ibang komite na bumuo ng oversight plan para sa ibat ibang ahensiya sa sakop ng kanilang hurisdiksyon.

Sa ganitong paraan aniya ay maisasakatuparan ng Kamara ang kanilang natatanging power of the purse sa pinagtibay na desisyon ng Korte Suprema hinggil sa DAP.

Nagbigay din ng marching order si Belmonte para ipasa ang kanyang isinusulong na pag-amyenda sa economic provisions ng konstitusyon at mawalan na ng hadlang ang pagpasok sa bansa ng foreign direct investments.

Sa oras na maisumite ng Malakanyang ang kopya ng Bangsamoro Basic Law, sinabi ni Belmonte na kailangang pagtibayin ito ng Kamara na walang nilalabag na bahagi ng Saligang Batas.

Kabilang sa pinabibigyan ng prayoridad ni Belmonte ang pag-amyenda sa EPIRA law upang masiguro ang mas matatag na suplay ng kuryente sa bansa.

 

Show comments