‘The Filipino is worth fighting for’ Noy naiyak sa SONA

Inisa-isa ng Pangulong Benigno Aquino III ang mga naging accomplishment ng kanyang administrasyon sa kanyang ikalimang SONA. (MALACAÑANG PHOTO)

MANILA, Philippines - Naluha ang Pangulong Benigno Aquino III sa bandang huli ng kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa joint session ng Kongreso kahapon.

“The worth of Filipino worth dying for, The Filipino is worth living for and the Filipino is worth figh­ting for!” anang Pangulo.

Wika pa ng Pangulong Aquino, papalapit na tayo sa minimithing kinabukasan matapos niyang simulan noong mahalal na chief executive noong 2010 ang pagpapatupad ng reporma na hanggang ngayon ay kanyang ipinapatupad.

“Pinili nyo ang mabuti at ang tama, tumotoo kayo sa akin at ako naman ay tumotoo sa inyo,” ito ang nangingilid na luhang binitiwan ni PNoy sa kanyang ika-5 SONA na tumagal ng isang oras at 34 minuto.

“Mga boss kayo ang susi sa pagpapatuloy ng lahat ng positibong pagbabagong naabot natin,” giit pa ng Pangulo.

Sinabi pa ni PNoy sa kanyang SONA, may mga humahadlang sa ipinapatupad niyang reporma at mga programa para sa kagalingan ng taumbayan.

Ayon kay Pangulong Aquino, kontra sila sa programa para sa ikaga­galing ng nakakaraming mamamayan, kontra sa pagbabago at kontra sa pag-unlad.

DAP idinepensa

Muling idinepensa ng Pangulo ang Disbursement Acceleration Program (DAP) at sinabing mauudlot ang mga magagandang proyekto dahil idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang pagpapatupad ng DAP.

Hinikayat ng Pangulo ang Kongreso na agad ipasa nito ang supplemental budget para sa 2014 dahil sa naantalang mga proyekto na pinondohan mula sa DAP.

Sinabi ng Pangulo, hindi dapat ipagkait ang paghahatid ng serbis­yo sa taumbayan kaya nararapat lamang ituloy ang mga naudlot na mga proyektong pinondohan ng DAP sa pamamagitan ng paghahain ng gobyerno ng 2014 supplemental budget.

Kabilang sa mga inihalimbawa pa ng Pangulo na magandang benepis­yo ng DAP ay ang mga TESDA scholars na pinondohan ng P1.6 bilyon mula sa DAP subalit nagresulta naman sa mahigit 200,000 na graduates.

Aniya, napondohan din ng DAP ang expanded Conditional Cash Transfer na mas maraming mahihirap na mamamayan ang natulungan.

Wala na ring kakula­ngan sa mga silid-aralan dahil napunan na ito sa ipinatayong mga school classrooms sa buong bansa mula sa DAP.

Ibinida din ng Pangulo ang nagawang mga reporma sa military at PNP partikular ang modernisasyon na nagawa nito.

Ipinagmalaki din ni PNoy na nagawa ang mga repormang ito at mga proyekto kahit hindi nag­taas ng buwis ang gobyerno maliban sa Sin Tax.

Aniya, ang mga programang ito ay nagawa dahil sa mabuting pamamahala kaya naman patuloy ang pagtitiwala ng mga investors sa bansa.

Inihayag din ni PNoy na isusumite na ng gob­yerno sa Kongreso ang P2.606 trilyong 2015 national budget sa Kongreso.

Ilang Kongresista nag-walk-out

Bago pa man magtalumpati ang Pangulong Aquino ay nag walk-out naman ang ilang kongresista na miyembro ng Makabayan bloc.

Kabilang sa mga nag walk-out sina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate, Act party­list Antonio Tinio, Gabriela partylist Reps. Emmi de Jesus at Luz Ilagan, Kabataan partylist Rep.Terry Ridon at Anakpawis Fernando Hicap.

Giit ng mga kongresista, ang kanilang pagwawalk out ay bilang pagtutol sa pekeng agenda ng Pangulo at dahil na rin sa nadungisan na ang pangulo ng kontrobersiya tulad ng DAP at pork barrel scam.

Generally peacefull

Inihayag naman ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP Public Information Office na generally peaceful sa buong bansa habang ginaganap ang ikalimang SONA ng Pangulo.

Sinabi ni Sindac, nakatulong ng malaki sa mapayapang pagdaraos ng SONA ni PNoy ang maagang paghahanda ng PNP na bagama’t nagkaroon ng konting girian sa pagitan ng mga anti-riot policemen at ng mga demonstrador ay maayos na naidaos ang SONA ng punong ehekutibo.

Show comments