Pagkilala sa INC ihihirit sa Kamara
MANILA, Philippines - Hiniling ng isang kongresista na bigyang pagkilala ang Iglesia Ni Cristo (INC) dahil sa pagpapatayo nito sa Philippine Arena, na maituturing na pinakamalaking indoor arena sa buong mundo.
Sa House Resolution 1304 na inihain ni Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, iginiit nito na wala pang organisasyon o religious groups na katulad ng INC ang nakapagpatayo ng isang istruktura na katulad ng Philippine Arena.
Paliwanag pa ni Benitez na kung nagbibigay ng parangal at pagkilala ang Kongreso sa mga Pilipinong nagbibigay ng karangalan sa larangan ng boksing, iba pang sports gayundin ang mga beauty titlist ay dapat din itong gawin sa INC.
Ang Philippine Arena ay siyang pinakamalaking istruktura sa loob ng Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan na may 55,000 seating capacity na sinundan ng Philippine Sports Stadium na may 21,000 seating capacity.
Naniniwala ang kongresista na hindi lamang world record ang dulot ng Philippine Arena sa bansa kundi maging ito ay siguradong makatutulong sa trabaho at turismo.
Sinabi pa ni Benitez na ang Philippine Arena bukod sa pagiging world class ay kaya rin nitong indahin ang malalakas na lindol at bagyo.
Ang resolusyon ay ginawa ng kongresista matapos na pasinayaan ang Philippine Arena kung saan mismong si Pangulong Aquino ang isa sa mga sumaksi sa pangunguna ng Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo na si Ka Eduardo V. Manalo.
- Latest