MANILA, Philippines - Palulutangin ng grupong Gabriela ang peach color na kulay ng impeachment sa State of the Nation Address ni Pangulong Aquino sa Lunes, Hulyo 28.
“Simple at direkta ang mensaheng nais ipahayag ng peach na tradisyunal na kasuotan. Ito ay malinaw na nagpapakita ng aming pagsuporta sa panawagan ng taumbayan na dapat managot si Aquino, at ang pagsuporta ng Gabriela Women’s Party sa impeachment complaint na inihain ng mamamayan kay President Aquino,” pambungad ni Rep. Luzviminda Ilagan.
Ang mga itim na palamuti sa trahe ay nagsasalarawan naman ng namumuong diktadurya ni Aquino at sa madilim na kinakaharap ng ating bansa kapag hinayaang mamayagpag ang korupsyon.
Inindorso ni Ilagan ang reklamo ng iba’t ibang grupo sa lantarang paglabag sa saligang batas at pagsira sa tiwala ng publiko sa pamamagitan ng tiwaling Disbursement Acceleration Program o DAP.
Samantala, ang coral peach na tela ng kasuotan ay simbolo ng impeachment complaint na inindorso ni Rep. Emmi de Jesus.
Ang complaint ay inihain ng iba’t ibang grupo laban kay Aquino dahil sa pagreregalo ni Aquino ng soberanya ng bansa sa US, sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), sa kabila ng pagbabawal ng Konstitusyon sa pananatili ng mga base at tropang dayuhan sa Pilipinas.