Total deployment ban sa Gaza

MANILA, Philippines - Nagpatupad ang pamahalaan ng total deployment ban ng mga overseas Filipino workers sa Gaza Strip kasunod nang nagaganap na kaguluhan doon sa pagitan ng Israel at Palestine na nagresulta na sa pagkamatay na may 700 katao.

Nag-isyu na ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Board ng Resolution No. 18, hinggil sa total deployment ban kasunod na rin ng pagtataas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Crisis Alert Level 4 sa Gaza Strip na nangangahulugan ng Mandatory Repatriation.

Sa nasabing resolusyon, inatasan ng POEA ang Department of Labor and Employment Quick Response Team upang makipag-ugnayan sa DFA para sa agaran at ligtas na pagpapauwi sa bansa ng mga OFW sa naturang lugar.

Kasabay nito, sa pamamagitan naman ng Resolutions No. 19 at 20 ay nagpatupad ang POEA ng partial ban sa pagpapadala ng mga bagong OFWs sa West Bank at Israel dahil sa lumalalang tensiyon sa mga naturang lugar.

Tugon ito sa kautusan ng DFA na nagtaas ng Crisis Alert Level 2 doon o Restriction Phase.

Pinapayagan naman ang pagproseso at deployment ng mga returning OFWs na mayroong existing employment contracts sa naturang mga lugar.

Show comments