MANILA, Philippines - Dalawa pang magkasunod na low pressure area (LPA) ang nagbabantang pumasok sa bansa kasunod ng bagyong Henry na lumabas na kahapon.
Ayon kay Buddy Javier, weather specialist ng PAGASA, patuloy nilang binabantayan ang isang LPA na nasa may 1,140 kilometro silangan ng Southern Luzon.
Bagamat nakikita nilang hindi ito magiging ganap na bagyo, ang kasunod nitong isa pang LPA ang maaaring pumasok sa bansa na may taglay na lakas.
Sinabi ni Javier na ang ikalawang LPA ay maaaring maging bagyo dahil sa laki ng cloud cluster niya, malaki ang movement at mas aktibo ang pag-ikot.
“Next 2 to 3 days ito mararamdaman sa ating bansa kaya dapat ay maghanda tayo at mag-ingat,” paalala ni Javier.
Kapag naging bagyo ay tatawagin siyang Inday. Hindi pa naman anya niya masasabi na sinlakas ito ni bagyong Glenda.