DAP ideya ni Mabini - PNoy
MANILA, Philippines - Ginamit ni Pangulong Aquino ang ika-150 taong kaarawan ng bayaning si Apolinario Mabini upang ipagtanggol nito ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.
Sinabi ng Pangulo, maging si Mabini noong nakaupo ito sa gobyerno ni Emilio Aguinaldo ay isinulong ang konsepto ng DAP sa Malolos Congress kung saan ay dapat daw pabilisin ng ehekutibo ang paghahatid ng serbisyo-publiko.
Ayon kay Aquino, may 3 kaisipan si Gat. Apolinario Mabini na sinisikap isabuhay hanggang sa ngayon ng gobyerno.
Una ay ang kahalagahan ng mandato bilang pundasyon ng anumang gobyerno dahil ang lakas ng estado ay nagmumula sa mamamayan. Ikalawa ay ang pagpupunla ng konsepto ng serbisyo pampubliko sa pambansang kamalayan kung saan ay iginiit ng utak ng rebolusyon na walang sinumang may karapatang pagkakitaan ang kanyang posisyon sa gobyerno.
“Liliwanagin ko pong muli: Ang punto ng DAP ay ang pagdadala ng benepisyo sa taumbayan sa pinakamabilis at tamang pamamaraan. Sinusulit natin ang kaban ng bayan, upang agarang ibsan ang pagdurusa ng Pilipino,” wika ng Pangulo.
Aniya, pinondohan ng DAP ang maraming proyektong nagbigay o patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa taumbayan kahit natapos na ang pagpapatupad ng DAP tulad ng paglalaan ng P1.6 bilyon sa TESDA na nagresulta sa pagtatapos ng may 146,731 scholars kung saan ay 66 percent nito ang nagtatrabaho na.
- Latest