MANILA, Philippines - Hiniling ng ilang kongresista na i-account din ni Philippine National Police (PNP) chief General Alan Purisima ang tinanggap nitong pondo mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, isa sa mga nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino, dapat lamang na ipaliwanag din ni Purisima at ng iba pang nakinabang sa DAP ang bawat sentimo sa pondo.
“The PNP and for that matter all agencies that became beneficiaries of DAP must be made accountable for every centavo of people’s money they received,” sabi ni Sarate.
Dahil dito kaya malaki umano ang posibilidad na madagdagan ang kasong plunder na kinakaharap ng heneral kung hindi ma-account ang P3.24 bilyong nakuha nito mula sa DAP.
Paliwanag pa ng mambabatas na napapanahon na rin upang magsagawa ang Commission on Audit (COA) ng special audit sa mga proyektong pinondohan ng DAP.
Para naman kay Parañaque City Rep. Gustavo Tambunting, dapat lamang na magpaliwanag si Purisima sa pagtanggap ng PNP ng pondo mula sa DAP.
“Use of Public money should be transparent and accountable,” ayon pa kay Tambunting