MANILA, Philippines - Pinaghahanda na ng pamahalaan ang mahigit 36,000 Pinoy sa Israel sa posibilidad na evacuation matapos na itaas kahapon ang crisis alert level 2 sa nasabing bansa upang matiyak ang kanilang kaligtasan at seguridad dahil sa lumalalang tensyon.
Sinabi ni DFA Spokesman Charles Jose, ang mga Pinoy sa Israel at West Bank ay inaatasan na mag-ingat at limitahan ang kanilang pagkilos, umiwas sa pampubliko at matataong lugar at maghanda sa posibilidad ng paglilikas.
Ipinagbabawal rin na tumungo at magtrabaho sa Israel ang mga new hired workers sa Israel habang nakataas ang nasabing alerto.
May 36,400 Pinoy na karamihan ay overseas workers ang nasa Israel habang 113 sa West Bank.
Kasalukuyang nakataas ang alert level 4 sa Gaza Strip dahil sa madugong bakbakan ng Israeli security troops at militanteng Hamas. Inaatasan ng pamahalaan ang nalalabing 99 Pinoy sa Gaza na lumikas kasunod sa deklarasyon na mandatory evacuation.