MANILA, Philippines - Bukas ang gobyerno sa panukalang gamitin ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) bilang energy source upang magkaroon ng dagdag na supply ng kuryente ang Luzon.
Ayon kay Comm. Sec. Herminio Coloma, mainam na pag-aralang mabuti ang panukalang tulad nito na gamitin ang BNPP bilang power source gamit ang natural gas tulad ng panukala ni Mindoro Rep. Reynaldo Umali.
Isang Korean power firm ang nagpahiwatig ng interes upang buhayin ang BNPP subalit hindi bilang nuclear plant kundi gamit ang natural gas.
Inaasahan ni Rep. Umali na kapag ginamit ang BNPP gamit ang natural gas ay makakalikha ito ng karagdagang 1,800 megawatts at sapat na upang malutas ang inaasahang kakulangan sa supply na 400-500 megawatts sa susunod na taon.
Nagpatawag ng pulong si PNoy kahapon sa Malacañang kasama si Energy Sec. Jericho Petilla upang pag-usapan ang energy concerns ng bansa tulad ng inaasahan nitong shortage sa supply sa 2015.
Itinayo ang BNPP sa panahon ng Marcos regime sa Morong, Bataan dahil sa inaasahang kakapusan ng supply ng kuryente subalit hinarang ito ng mga militante hanggang sa magpalit ng gobyerno sa pag-upo ni dating Pangulong Cory Aquino at hindi na ginamit ang nasabing BNPP pero patuloy na binayaran ng gobyerno ang utang nito sa Westinghouse na siyang nagtayo ng planta.
Hanggang sa kasalukuyan ay milyon-milyon pa rin ang ginagastos ng gobyerno para sa maintenance ng nasabing planta kahit hindi ito nagagamit.