MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit 66,000 pensioners ang nanganganib na hindi makatanggap ng buwanang pension na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon matapos na ipag-utos ng korte ang garnishment sa pondo ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, chief ng PNP Public Information Office, gumagawa na ngayon ng legal na hakbang ang pamunuan ng PNP para hindi maapektuhan ang kanilang operating expenses.
Ipinaliwanag ni Sindac na ang PNP funds na isinailalim sa garnishment ay inilaan sa kanila sa ilalim ng Republic Act 10633 of the General Appropriations Act (GAA) of 2014 at ayon sa batas hindi ito saklaw at exempted sa garnishment.
Noong Hulyo 9, 2014 ay nagpalabas ng ‘notice of garnishment ‘ ang Manila Regional Trial Court sa pamamagitan ni Sheriff Manuel Veronico Escuadra laban sa account ng Department of Budget and Management at PNP sa Land Bank of the Philippines.
Batay sa garnishment order, pinagbabawalan ang PNP na makapag-withdraw na hindi bababa sa P3.9 bilyon kung saan ang nasabing pondo ay siyang dapat na bayarin ng PNP sa mga pension differentials na nasa 3,344 Integrated National Police (INP pensioners simula sa taong 1991 hanggang 2006.
Iginiit naman ng PNP na ang nasabing pagbabawal ng korte ang pangunahing sanhi kung bakit naaantala ang pagbabayad nila sa mga pensioners dahilan sa tuwing lumalapit sila sa DBM officials ay sinasabi sa kanilang walang pondo ang ahensya.
Inihayag ni Sindac na manggagaling ang pondo para sa nasabing pension obligations ay mula sa Pension and Gratuity Fund ng General Approriations Act (GAA) sa ilalim ng RA 10633 at hindi sa annual appropriations ng PNP.
Kaugnay nito, maghahain ng manipesto ang PNP Legal Service sa Manila Regional Trial Court para iginit na hindi dapat isinasali sa alinmang ‘garnishment order’ ang PNP annual fund dahilan nakapaloob ito sa probisyon ng Section 93 GAA.
Nabatid na nag- ugat ang resolusyon ng korte sa isinampang kaso ng mga pensioner ng Manila’s Finest Brotherhood Association laban sa PNP dahil sa diumano ay kabiguan nitong ibigay ang kakulangan sa kanilang pension mula 1991 hanggang 2006 na nagkakahalaga sa P 3.2 bilyong halaga.
Ipinaliwanag ni Sindac na kapag hindi nagawang malutas ang napipintong budget deficit ng PNP, malamang ay matigil ang pagbibigay ng pension na katumbas ng P1.8 bilyon para sa kabuuang 66,000 INP’s at PNP pensioners sa Agosto.