MANILA, Philippines - Nasa 280,000 kostumer ng Manila Electric Company (MERALCO) ang wala pa ring kuryente hanggang kahapon, limang araw matapos na manalasa sa Luzon ang bagyong Glenda.
Ayon kay MERALCO spokesperson Joe Zaldarriaga, sa Metro Manila pa lamang ay aabot sa 13,040 tahanan pa ang wala pa ring suplay ng elektrisidad.
Habang ilang oras pa rin naman ang patuloy na nakakaranas ng mula isa hanggang apat na oras na rotating brownouts mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.
Tiniyak ni Zaldarriaga na patuloy sila sa isinasagawang power restoration efforts upang maibalik sa normal ng 100 porsiyento ang suplay ng kuryente.
Ilan sa mga lugar na naapektuhan ng rotating brownouts kahapon ay ilang bahagi ng Metro Manila, Cavite, Pampanga at malaking bahagi ng Bulacan.
Sinabi ni Zaldarriaga na batay sa natanggap nilang abiso mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), sanhi umano ito ng red alert o pagbaba ng suplay ng kuryente dahil sa mga palyadong planta ng Masinloc, Pagbilao at San Lorenzo at limitadong suplay mula sa Sual power plant.