P-Noy appointee na mga justices sumama sa black protest

MANILA, Philippines - Idineklara ng mga tauhan ng korte na ‘Monday protest’ kahapon upang ipakita ang pagtutol sa pagtanggal ng Judiciary Development Fund (JDF) at para ipagtanggol na rin ang mga mahistrado na nagdesisyon na unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).

Sinalubong ng palakpakan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno nang dumating ito dahil nakasuot siya ng dark gray na suit habang naka-itim na jacket naman si Justice Estrella Perlas Bernabe. Si Sereno ang itinalaga ni Pangulong Aquino na kapalit ni Corona matapos itong mapatalsik.

Nagsuot ng kulay itim na damit ang mga empleyado ng Supreme Court (SC) habang naka-pula naman ang mga taga-Court of Appeals (CA) sa flag-raising ceremony  kahapon ng umaga.

Nakiisa rin ang mga taga-Regional Trial Court (RTC) at ibang hukuman sa buong bansa bilang pagsuporta sa diumano’y ‘pambu-bully’ ng Pangulo sa Korte Suprema sa televised speech nito ukol sa DAP.

Mauulit pa ang naturang protesta sa Lunes, Hulyo 28 kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.

Para kay SC employees association president Jojo Guerrero, malaking bagay para sa kanila na maging ang mga opisyal ng korte ay nakikilahok sa kanilang layunin.

Pero pagtitiyak nila, hindi apektado ang trabaho ng hukuman dahil silent protest lamang ito at ginagawa nila tuwing break time.

Pinayuhan naman ni dating Chief Justice Renato Corona si Sereno na panindigan ang posisyon nito laban sa DAP dahil iyon ang nararapat.

Show comments