Pinoy dinukot pinugutan sa libya 13K OFWs ililikas

MANILA, Philippines - Isang Pinoy na cons­truction worker ang dinukot at pinugutan ng ulo ng mga armadong rebelde sa kasagsagan ng karahasan sa Libya.

Kinumpirma kaha­pon ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose sa pulong balitaan sa Department of Fo­reign Affairs (DFA) na isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang pinugutan matapos siyang dukutin sa Benghazi. Tumanggi si Jose na pangalanan ang Pinoy habang ipinaaalam pa sa kanyang mga kaanak ang sinapit nito.

Base sa report ng pinapasukang construction company ng Pinoy, noong Hulyo 15 ay hinarang ang nasabing Pinoy worker kasama ang isang Libyan at Pakis­tano ng mga armadong kalalakihan pagsapit sa isang checkpoint  sa Benghazi.

Tinangay ng mga kidnaper ang naturang Pinoy hanggang sa mag-demand ang mga abductors sa employer nito ng halagang $150,000 bilang ransom.

Gayunman, Hulyo 19  nang matagpuan ang bangkay ng nasabing Pinoy sa isang ospital kung saan nagsisimula ng maagnas.

Ipinalalagay na habang isinagasawa ang negosasyon sa pagitan ng kumpanya at mga kidnaper ay pinatay na ang naturang OFW.

Nabatid na ang OFW ay ang unang Pinoy na biktima ng pagpatay at ikinababahala ang pag-single out umano ng mga rebeldeng Libyan sa non-Muslims.

Sinabi ni Jose na dahil sa insidente, ipatutupad ang puwersahang paglilikas sa may 13,000 Pinoy sa Libya.

Sa tala, may 207 Pinoy na ang nag-aan­tabay ng kanilang repatriation sa Libya matapos na ipatupad noong Linggo ang crisis alert level 4 o mandatory evacuation sa nasabing bansa.

Nagpapakita na ang nangyaring pagdukot at pagpugot sa ulo ng nasabing OFW ay sen­yales na hindi na ligtas ang libu-libong Pinoy na natitira sa Libya.

Nanawagan ang DFA sa mga OFWs sa Libya na agad na magpa-rehistro sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli para sa agarang pag-uwi sa Pilipinas. Katuwang ng Embahada ang Rapid Response Team na ipinadala ng DFA upang tumulong na mag-asiste sa mga Pinoy doon.

Naglagay na ang DFA ng 24-hour hotlines para sa pamilya ng mga OFWs sa Libya. Sa may mga katanungan ay maaaring tumawag sa hotline numbers (02) 552-7105 / (02) 834-4685 o mag-e-mail sa oumwa@dfa.gov.ph.

 

Show comments