Henry bumagal, pero nanatili ang lakas

MANILA, Philippines - Bahagyang bumagal ang takbo ng bagyong Henry bago mag-tanghali kahapon habang nagbabanta sa Bicol at sa iba pang parte ng Visayas at Mindanao.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa pang-alas 11 ng umagang weather advisory, napanatili ni Henry ang kanyang lakas at tinatayang nasa 420 kilometro silangan-hilagang silangan ng Borongan, Eastern Samar ganap na alas-10 ng umaga.

Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 120 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna at may bugsong nasa 150 kph. Inaasahang gagalaw si Henry patungong hilagang kanluran sa bilis na 13 kph.

Ngayong umaga, ito ay nasa 440 km hilagang silangan ng Virac, Catanduanes at sa Martes ay nasa silangan-hilagang silangan ng Aparri, Cagayan.

Sa Miyerkules ng umaga ay inaasahang nasa hilagang silangan si Henry ng Basco, Batanes at bibilis habang tinatahak ang Taiwan.

Wala namang naitalang signal ng bagyo sa anumang parte ng bansa.  

Magdadala si Henry ng pagbuhos ng ulan na 7.5 hanggang 15 mm kada oras (katamtaman hanggang matindi) sa loob ng kanyang 500-km diameter.

Katamtaman hanggang sa okasyunal na matinding pag-ulan at pagkulog ang mararanasan sa Eastern Visayas, Bicol region, Dinagat at Siargao Island at sa kabuuang probinsya ng Surigao del Norte.

 

Show comments