Henry lumakas, bumilis

Itinuturo ni PAGASA weather forecaster Aldzcar Aurelio ang lokasyon ng bagyong Henry sa satellite nito sa Eastern Samar. Nagpaalala ang Palasyo sa publiko na dapat magbantay ang lahat at maghanda kahit sinabi ng PAGASA na posibleng hindi maramdaman ang bagyo dahil maaring hindi ito tumama sa lupa. (Boy Santos)

MANILA, Philippines - Higit pang lumakas at bumilis ang bagyong Henry habang gumigilid sa Luzon.

Alas-11 ng umaga kahapon, si Henry ay namataan ng Pagasa sa layong 560 kilometro silangan ng Guian, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 95 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 120 kilometro kada oras.

Si Henry ay kumikilos sa bilis na 19 km kada oras papunta sa hilagang kanluran ng Taiwan.

Bagamat lumalakas at bumibilis ang bagyong Henry ay wala naman itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng ating bansa.

Ngayong Linggo, si Henry ay inaasahang nasa layong 470 km silangan ng Virac, Catanduanes at sa Lunes ng umaga ay nasa layong 410 km silangan ng Tuguegarao, Cagayan. Sa Martes ng umaga ay nasa 120 km silangan ng Basco, Batanes.

Makakaranas naman ng paminsan minsang pag-ulan sa Luzon kasama na ang Metro Manila gayundin sa Kabisayaan dahil sa epekto ng haba­gat.

 

Show comments