MANILA, Philippines - Matapos ang masakit na karanasan ng mga biktima ng typhoon Yolanda nuong nakaraang taon at bagyong Glenda nuong Miyerkules, agad na kumilos si Quezon City councilor Karl Castelo upang isulong ang panukala para magkaroon ng chainsaw ang bawat barangay sa lungsod.
Kailangan ng bawat barangay sa Quezon City ang chainsaw upang mabilis nitong maputol at matanggal ang mga punong kahoy na bumagsak at nakaharang sa mga lansangan, ani Castelo.
Ani Castelo, nakakalungkot isipin na walang chainsaw ang mga barangay sa mga lugar na tinamaan ni Yolanda nuong nakaraang taon kaya hindi agad naalis ang mga punong kahoy na bumabara sa mga lansangan.
Dahil dito aniya, mabagal o di kaya ay hindi gumalaw ang mga sasakyan na dapat sana ay maghahatid ng tulong sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Napansin din ni Castelo na nahirapan ang mga barangay sa Metro Manila na alisin sa mga lansangan ang mga nagkalat na putol na kahoy o nabuwal na puno sanhi upang magkaroon ng trapik o mabagal na pagkilos ng mga sasakyan.
“Sa mga panahon ng sakuna, kinakailangan ang mabilis na pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong at hindi natin ito maibibigay kung barado ang mga lansangan ng mga natumbang puno. Kailangan silang maalis kaagad at magagawa lamang ito kung may sapat na kagamitan ang mga barangay tulad ng chainsaw,” paliwanang ni Castelo.