MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko sa pagbili ng tiket kaugnay ng nakatakdang pagbisita ni Pope Francis sa bansa sa Enero.
Sa Twitter account ng CBCP, ang babala ay mula mismo kay Apostolic Nuncio Giuseppe Pinto kung saan sinabi nito na hindi lehitimo ang anumang bentahan ng tiket para sa papal masses at anumang events.
Umapela rin ito sa mga Twitter users na i-retweet ang nasabing babala.
Matatandaan na kinumpirma ng CBCP ang pagdating ng Santo Papa na inaasahang magtutungo sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda upang magbigay ng pag-asa at ayuda.
Batay sa initial itinerary ng Santo Papa, pasisinayaan din nito ang Pope Francis Center, na orphanage at chapel.
Bibisitahin din nito ang Palo Metropolitan Cathedral na winasak ng bagyong Yolanda.