Zero Casualty ang Albay kay Glenda pero may P4.1B damage
LEGAZPI CITY, Philippines - — Bunga ng “preemptive evacuation, “Zero casualty” o walang buhay ang nabuwis sa Albay, ang unang lalawigang dinikdik ni Typhoon Glenda, ngunit nag-iwan ito ng mga kasiraang nagkakahalaga ng mahigit P4.1 bilyon, ayon sa ulat ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Umabot sa 180 kms per hour ang center winds ni Glenda, na nag-landfall sa Albay hapon ng Hulyo 15. Ayon sa PAGASA, pitong oras na binugbog ni Glenda ang Albay, ngunit bago pa ito dumating, nai-evacuate na ng Team Albay, sa pamumuno ni Gov. Joey Salceda, ang mahigit 65,000 pamilya sa ligtas na mga evacuation centers mula sa delikado nilang kinalalagyan.
“Natuto na kami, kaya sa kabila ng matinding panganib, walang nagbuwis ng buhay sa amin,” ayon kay Salceda. Pinayuhan niya ang mga Albayano na agad bumangon at sumulong uli. Idineklara agad ng Albay Provincial Board ang “state of calamity” sa lalawigan.
Ayon kay Salceda, ang pinakamatinding biktima ni Glenda sa Albay ay mga 9.4 milyong kaniyugan na inaanihan ng P1.3 bilyon, mga 40,000 mga maliit na bahay na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon, at mga imprastrakturang nagkakahalaga ng mahigit P1.2 bilyon din.
“Nangangahulugan ito ng nawalang kakayanang kumita na kung hindi agad matutulungang mabalik ay mangangahulugan ng dagdag na kahirapan at higit na mataas na malnutrisyon,” puna ni Salceda.
Si Salceda ang nagpauso sa “preemptive evacuation and zero casualty” bilang estratehiya laban sa mga kalamidad. Ginaya na ito ng national government at maraming LGUs, kaya itinalaga ng United Nations ang Albay bilang Global Model nito sa DRR at Climate Change Adaptation.
- Latest