Isdang lumutang sa Pasig River delikadong kainin

MANILA, Philippines - Delikado umanong kainin ang mga isdang naglutangan sa Pasig River matapos ang pananalasa ni “Glenda” tulad ng bangus at tilapya.

Ayon kay Department of Health spokesman Dr. Lyndon Lee Suy, may dalang peligro sa kalusugan ang pagkain ng mga isdang lumutang dahil maaaring kontaminado ang mga ito ng nakalalasong kemikal o substance tulad ng metylmercury na nagiging sanhi ng retardation, partikular sa mga bata, na posible pang humantong sa pagkakaroon ng kanser.

Sinabi ni Suy na sakaling hindi maiwasang kumain ng mga murang isda dahil sa kakapusan sa pera, may mga alituntunin naman na dapat sundin ang mga kakain nito upang hindi sila magkasakit.

Mahalagang hugasang mabuti ang mga isda upang mawala ang nakakapit na mga kontaminadong substance, partikular sa ulo at hasang.

Amuyin din ang mga isda at kung may kakaibang naamoy dito ay mas makabubuting itapon na ito at huwag ng lutuin at kainin pa. Iwasan ding i-undercook ang mga isda o i-grill ito o kaya’y gawing kilawin.

Nagmula sa mga fishpond sa Rizal at Laguna ang mga isda na naanod sa Ilog Pasig nang manalasa ang bagyong Glenda.

Mula sa P120 hanggang P150 kada kilo ang tilapya at bangus, kaya nagpiyesta ang mga tao sa pagbili ng mga ito nang bumagsak ito mula sa P20-P50 kada kilo noong kasagsagan ng bagyo.

Show comments