MANILA, Philippines - Binatikos ni United Nationalist Alliance (UNA) secretary general Toby Tiangco ang ginawang talumpati ni Pangulong Aquino sa telebisyon kamakailan na bumabatikos sa desisyon ng huli na nagdedeklarang iligal ang Disbursement Allocation Program o DAP.
Ayon kay Tiangco, ang pang-iinsulto at masasakit na salita laban sa Supreme Court ay kawalang-galang sa kapantay na sangay ng pamahalaan at manipestasyon ng pagbalewala sa batas.
“Inaaway ba niya ngayon ang Supreme Court dahil hindi bumoto ang mga mahistrado sa paraang gusto niya? Inaasahan ba niyang magkakaroon na ng simpatya sa kanya ngayon ang Mataas na Hukuman dahil wala na rito si (dating Chief Justice Renato) Corona,” pagtatanong ni Tiangco.
Pinuna pa ng UNA na nagdeklara ng giyera ang Pangulo laban sa Mataas na Hukuman at nanawagan pa sa Kongreso na makialam.
“Ang tindi nito--we can already see a specter of Constitutional crisis. Gusto ni PNoy na makialam na ang Kongreso at kung hindi babawiin ng SC ang desisyon nito sa DAP ay malamang na ituloy ang impeachment sa mga justices,” sabi pa ni Tiangco.
Sinabi pa ni Tiangco na maaaring inakala ng Malacañang na makakakuha na ito ng mga paborableng desisyon mula sa mataas na Hukuman na pinamumunuan ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na naunang itinalaga sa puwesto ng Pangulo noong 2013.