3 Pinoy patay sa plane crash!

Nagkalat ang mga bangkay ng mga pasahero ng Malaysian Airlines flight MH17 matapos pabagsakin ng missile sa Ukraine. (Wires)

MANILA, Philippines - Tatlong Pinoy ang ka­bilang sa 298 nasa­wi matapos umanong pabagsakin ng missile ang kanilang sinasakyang Malaysian jetliner flight MH17 sa Ukraine malapit sa border ng Russia.

Kinilala ni Department of Foreign Affairs spokesman Charles Jose ang mga Pinoy na sina Irene Gunawan, 54, at mga anak na sina Sherryl Shania Gunawan, 20 at Darryl Dwight Gunawan, 15, pawang may hawak na Philippine passport.

Sa press conference, inihayag ni Malaysian Airlines Vice President Huib Gorter na 154 sa mga sakay ay pawang Dutch, 27 ang Australian, 23 ang Malaysian, 11 ang Indonesian, anim ang British, apat ang German, apat din ang Belgian, tatlo ang Pinoy habang isa ang Canadian.

Sa pinakahuling ulat, kabuuang 298 ang sakay ng eroplano kabilang ang 283 pasahero at 15 crew.

Sa report, ipinalalagay na pinatamaan ng missile ng mga pro-Russian separatists ang MH17 Boeing 777 habang nasa himpapawid pagsapit sa sinasabing lugar na pinamumugaran ng mga rebelde sa Hrabove sa Donetsk region sa eastern Ukraine.

Galing sa Amsterdam sa Netherlands ang MH17 patungo sa Kuala Lumpur nang umano’y pabagsakin ng missile ng mga rebelde sa Donetsk.

Nagkalat ang mga katawan, debris at nasusunog na wreckage sa nasabing lugar na kinabagsakan.

Naniniwala ang United States intelligence authorities na sadyang pinabagsak ang nasabing eroplano gamit ang surface-to-air missile. Gayunman, inaalam kung anong grupo ang responsable dito dahil naganap ito sa Ukraine at Russian border. 

Sinasabi ng mga awtoridad na ligtas ang nasabing ruta ng eroplano para makapagbiyahe bago umalis ito sa Amsterdam patulong KL.  

Ang pagbagsak ng MH17 ay kasunod nang misteryosong pagkawala ng Malaysian Airlines flight MH370 noong Marso.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang Malacañang sa pamil­ya ng mga biktima.

“We offer our sincerest condolences to the families of all the victims, recognizing full well the enormity of their loss. At this difficult time, we stand with them in solidarity as one people and one country. The DFA has assured us that our embassies in Malaysia and the Netherlands are coordinating with Malaysia Airlines and other authorities, in order to secure more information regarding the tragedy to assist the affected families,” pahayag ni Presidential Spokesman Abigail Valte.

Show comments