MANILA, Philippines — Kilala na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang tatlong Pilipinong kabilang sa mga nasawi sa pagbagsak ng Malaysian Airlines Flight MH17 na pinasabog ng mga terorista sa Ukraine kagabi.
Sinabi ni DFA Spokesperson Charles Jose ngayong Biyernes na alam na nila ang pangalan ng mag-iinang Pinoy ngunit hindi pa nila maaaring ipaalam sa publiko ang mga pangalan nila.
Pinagbasehan ng DFA ang flight manifest o ang listahan ng mga nakasakay sa eroplano bago nila ito nakumpirma sa Malaysian Airlines.
Kaugnay na balita: 3 Pinoy kabilang sa pinasabog na Malaysian Airlines flight
"It appears that they are a family of three, the mother and her two offspring," wika ni Jose.
Isang middle-aged na babae ang biktima, habang young adults ang mga kasamang anak.
Base rin sa impormasyon, sa Netherlands nakatira ang mga Pilipinong biktima base sa kanilang mga pasaporte.
Sinabi ni Jose na ang Malaysian Airlines na ang magpapaalam sa mga kamag-anak ng mga nasawi ang nangyaring trahedya.
"If they are not able to do so and they request us, then we will assist them in notifying [the victims'] next of kin.”
Patungo sanang Kuala Lumpur, Malaysia ang MH17 na galing ng Amsterman nang mangyari ang insidente.
Aabot sa 289 katao ang nasawi, 283 dito ay pasahero kabilang ang tatlong sanggol, at ang 15 tauhan ng eroplano.