MANILA, Philippines -- Tatlong Pilipino ang pinaniniwalaang kabilang sa mga nasawi matapos pasabugin ang isang eroplano ng Malaysian Airlines sa Ukraine, ayon sa Department of Foreign Affairs ngayong Biyernes.
Sinabi ni DFA spokesman Charles Jose na nakuha nila ang impormasyon sa gobyerno ng Malaysia at Netherlands ngunit tumangging pangalanan ang mga ito.
"Kinukumpirma natin (ang ulat na) may tatlong Pilipinong sakay ng MH-17, based on information released by the Malaysian and Dutch governments," wika ni Jose sa panayam sa dzBB.
Pinasabog ang eroplano kagabi kung saan 295 katao ang nasawi.
Batay sa pahayag ni Malaysian Airlines Vice President Huib Gorter, 154 sa mga sakay ay pawang mga Dutch, 27 na Australyano, 23 na Malaysian, 11 na Indonesian, anim na Briton, tig-apat na Aleman at Belgian, tatlong Pinoy, habang isang Canadian.
Dagdag niya na 50 pasahero pa ang hindi pa nakikilala.
Ang mga rebelde ang itinuturong nasa likod nang pagpapasabog sa eroplano na tinira ng missile.