MANILA, Philippines - May kabuuang 25,856 na silid-aralan sa 12 rehiyon ang sinasabing nasira sa pananalasa ng bagyong Glenda sa bansa.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Sec. Armin Luistro, inuumpisahan na sa ngayon ang pagkukumpuni sa mga classroom na sinira ng bagyo. Inihayag pa ni Luistro na mahigit sa 50 school divisions ang nagbalik-eskwela na kahapon.
Kabuuang 187 paaralan naman sa ngayon ang ginagamit bilang pansamantalang evacuation centers simula pa noong umpisahan ang paghahanda sa pananalasa ng bagyo.
Nilinaw naman ni DepEd Assistant Secretary Reynaldo Laguda na hindi pa lahat ng school division at mga paaralan ay nakapag-report na hinggil sa kani-kanilang estado dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente.
Sinabi ni Ayuda, karamihan sa mga hindi pa nakapag-establisa ng kontak sa DepEd ay yaong mula sa Regions IV-A, IV-B at V.