MANILA, Philippines - Naniniwala si Senator Sergio Osmeña na kailangang tapusin na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapaliwanag ng Disbursement Acceleration Program (DAP) bago ang kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 28.
Ayon kay Osmeña, noong isang linggo pa niya sinabing dapat nagpaliwanag na kaagad ang Pangulo tungkol sa DAP upang hindi na ito masama sa mga iuulat niya sa kanyang SONA.
Sinabi ni Osmena, dapat ay “prospective” ang SONA kung saan sasabihin ng Pangulo kung ano ang mga balak niyang gawin sa nalalabing dalawang taon ng kanyang panunungkulan.
Inihayag pa ni Osmeña na dapat mag-sorry sa bayan si Pangulong Aquino dahil sa pagkakamali ng kanyang administrasyon.
“Sinabi ko na ito. Dapat gayahin niya si Gloria and say, ‘I am sorry,” ani Osmeña.