MANILA, Philippines — Umapela si Pangulong Benigno Aquino III sa Korte Suprema ngayong Lunes na bawiin ang deklarasyon na hindi naaayon sa Saligang Batas ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinabi ni Aquino sa inabangang talumpati niya na pormal silang maghahain ng apela sa mataas na hukuman.
"Balikan ninyo ang desisyon na may pagsaalang-alang sa paliwanag ko. Tulungan ninyo kaming tulungan ang taumbayan," mensahe ng Pangulo sa Korte Suprema. "Huwag n'yo sana kaming hadlangan.”
Kaugnay na balita: PNoy tinaggihan ang pagbibitiw ni Abad
Muling iginiit ni Aquino na walang mali sa pagpapatupad ng DAP dahil nakibang ang taumbayan at hindi ito napunta sa bulsa ng mga politiko.
"Mabuti ang DAP. Tama ang intensyon. Tama ang pamamaraan. Tama ang resulta."
Inilunsad ang DAP noong 2011 upang mapalakas ang ekonomiya sa paglaan ng mga sobrang pondo sa mga proyektong nangangailangan nito.
Kaugnay na balita: Nakinabang ang bansa sa DAP - Malacanang
Nitong nakaraang taon ay sinabi ni Senador Jinggoy Estrada sa kanyang privilege speech na ginamit ang DAP bilang bonus sa mga bumoto sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.
Sa 92-pahinang desisyon ng mataas na hukuman ay idineklara nilang hindi naaayon sa Saligang Batas ang ilang bahagi ng naturang programa.
Umani ng batikos ang programa at kasabay nito ang mga panawagan sa pagbibitiw ng itinuturong utak ng DAP na si Budget Secretary Florencio Abad.
Kaugnay na balita: PNoy walang dapat i-sorry – Malacañang
Sinabi ni Aquino nitong nakaraang linggo na tinaggihan niy ang pagbibitiw ni Abad.