Suporta sa Servando Act hingi
MANILA, Philippines - Hiniling ni Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian ang suporta ng taumbayan para mabilis na isabatas ang kanyang Servando Act na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa patuloy na lalabag sa anti-hazing law.
Layon ng House Bill 4714 o Servando Act na palitan ang Republic Act 8049 na mas kilala sa tawag Anti-Hazing Law of 1995 dahil hindi naman talaga ipinagbawal ang hazing sa batas na ito kundi isinailalim lang sa regulasyon.
Ipinangalan ni Gatchalian ang kanyang bill kay Guillo Cesar Servando, ang estudyante ng De La Salle-College of Saint Benilde na namatay dahil sa hazing sa kamay ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity.
Nakasaad din sa HB 4714 ang pangangailangan ng legalisasyon at akreditasyon ng mga fraternities at sororities sa mga colleges at universities para mas mamonitor ang aktibidades ng mga naturang organisasyon.
Malaki ang paniwala ni Gatchalian na kung ligal ang mga fraternities ay magkakaroon ang mga administrador ng kopya ng constitution and by-laws ng mga ito at maging ang listahan ng mga officers and members ng frats sa gayon ay mas madali para sa school administrators na kilalanin ang mga miyembro nito.
Binigyang-diin ni Gatchalian na hindi fraternities at sororities ang problema kundi ang paggamit ng hazing sa initiation rites bilang welcome sa mga bagong miyembro o neophytes.
Sa ilalim ng Servando Act, magiging accountable o responsable ang mga eskwelahan sa mga fraternities at mga aktibidades nito dahil sila ang magsisilbing regulatory body ng mga nasabing organisasyon.
- Latest