MANILA, Philippines - Pinalilikas na ang mga Pinoy sa Gaza Strip matapos na ideklara kahapon ng Department of Foreign Affairs ang crisis alert level 3 dahil sa tumataas na banta ng seguridad bunsod ng sagupaan ng tropa ng Israel at Hamas militants doon.
Sa nasabing alerto, hinimok ang mga Pinoy na umalis sa Gaza at sunggaban ang alok na voluntary repatriation program kung saan aakuin ng pamahalaan ang gastusin sa kanilang pag-uwi.
Ipinagbabawal naman ang mga overseas Filipino workers na tumungo at magtrabaho sa Gaza habang umiiral ang nasabing alerto.
Ang alert level 1 o precautionary phase ay nananatili naman sa West bank at sa southern at central Israel.
Pinapayuhan ang mga Pinoy na mag-ingat at maging mapagmatyag habang patuloy naman ang DFA sa pagmonitor sa kaganapan sa Gitnang Silangan.